Pages

Wednesday, May 9, 2012

Ang Pinakamasaklap na Kaarawan ni Gat Gregoria de Jesus

"Matakot sa Kasaysayan Pagka't Walang Lihim na Di Nahahayag"
- Gregoria "Oriang" de Jesus

 
TAON 1897, Mayo 9, edad eksaktong dalawangpu at dalawang taon (22) si Gregoria "Oriang" de Jesus noon nang naranasan niya ang pinakamasaklap at pinakamapanglaw na kaarawan sa makulay at makabayan niyang buhay. Nang araw na iyon ay aping nakapiit sa bilangguan ng pwersang Magdalo ni Hen. Emilio Aguinaldo y Famy ang kanyang butihing kabiyak, si Supremo Andres Bonifacio y de Castro, isang sa mga nagtatag at kasalukuyan sanang pinuno/Pangulo ng secret-society-turned-revolutionary-government Kataastaasang Kagalanggalangang Katipunan nang manga Anak. Sa katunayan, nang nakaraan araw lamang ay tinukuran o itinaas ng pinsan ni Aguinaldo ang pasya ng 'kangaroo court' na hukumang militar na kanilang itinatatag na "may sala" daw ng sedisyon, atbp. si Bonifacio at kailangang itong paslanging o i.execute. Kaarawan niya subali't kahabag-habag na nakakulong ang Supremo... papatayin na ang kanyang kabiyak kasama ang kapatid na si Procopio, ng masamang kampong nandaya sa balota ng Tejeros at pinilit ang pagtatatag ng pamahalaang labas at sedisyoso sa Katipunan.

Tumatangis marahil abot hanggang langit si Oriang sa napipintong kasamaang gagawin sa kanyang bayaning asawa. Pananaghoy, imbes na pagdiriwang, sa kanyang kaarawan ang kanyang nararamdaman. Hindi mawari kung paanong si Gat Andres, na binigyang buhay at tinarbaho ang pangarap na Kasarinlan ng Bayan... nang walang pag-iimbot na nagbigay ng kanyang oras, at kagalingan at ibinuhos ang kanyang naguumapaw na katapangan, katapatan, at pagmamahal sa ating lahi--ay magiging biktima ng sukdulang kabuktutan ng mga itinuring nitong kapatid sa Himagsikan. Pati siya mismo, nang daklutin ang Supremo, si Oriang mismo ay nakatikim ng kahayupang panghahalay na isinagawa ng tauhan ni Aguinaldo...



________ 

 

Ipinanganak ng Mayo 9, 1875 sa Caloocan sa Maynila si Gregoria ng kanyang inang si Baltazara Alvarez Francisco at teniente del barrio/gobernadorcillo na ama, si Nicolas de Jesus. Magiging malaki ang papel ni Oriang sa Himagsikan ng Pilipinas/Tagalog/Taga-Ilog/Maharlika laban sa Kastila.

Marunong si Oriang, nakakuha ng pagkilala sa kanyang pag-aaral, subalit huminto ito at isa pang kapatid na babae upang tumulong sa kanyang pamilya sa paghahanap-buhay, sa pag.aasikaso ng kanilang manggagawa at kasama, maliban pa sa paminsan-minsang pananahi at pagtupad sa gawaing bahay. Naging magandang dilag pa si Oriang, kung kaya't marami ang nanligaw dito, kasama na si Andres Bonifacio na noon ay balo na sa kanyang unang asawa. Ayaw ng kanyang mga magulang kay Bonifaco dahil ito ay isang mason subalit nanaig ang kanilang pag-iibigan.

Kinasal si Oriang at si Andres noong Marso 1893 sa Simbahan ng Binondo. Makalipas ang isang linggo ay ikinasal ulit sila sa ritwal ng Katipunan. Naging Katipunero rin si Oriang pagkatapos na pagkatapos ng kasal. Sa kanyang inisasyon sa KKK ay nilapat sa kanya ang simbolikong pangalang "Lakambini."

Tumira sila ni Bonifacio sa Calle Anyahan sa tapat ng Bisita ng San Ignacio at doon niya inumpisahan ang pagkilos para palakihin ang Katipunan, tumulong paramihin ang mga kasapi nito. Siya rin ang gumawa ng unang watawat ng Katipunan, katuwang ang kanyang ninang na si Benita Rodriguez y Javier. Inatas din sa kanya ang delikadong gawain na pag-iingat sa mga tagong papel ng KKK. Maraming beses daw na pag nakakatanggap sila ng babala na may kapulisang Veterana na nagsisiyasat ay dali-dali niyang iipunin lahat ng mga dokumento, armas, at selyo ng KKK, isasakay ang mga ito sa isang sasakyang maisasara ang mga bintana, at aandar ng tuloy. tuloy sa Bay of Tondo at mga kalsada ng Binondo hanggang abutin ng kalagitnaan ng hatinggabi. Ginawa niya ito ng walang palya dahil sa kanaisang huwag maparusahan ng malulupit na Kastila ang ating mga mamamayan.

Nagka-anak ng batang lalaki si Oriang at Andres na pinangalanan nila ng tulad sa ama nito. Ninong pa nga si Pio Valenzuela sa binyag nito. Sa kasamahaan palad, namatay sa sakit na small pox ang bunga ng pagmamahalan ni Lakambini at Supremo. Nauna rito ay nasunog ang kanilang bahay sa Manila.

Nang madiskubre ang Katipunan ay kinailangang sumama si Oriang kay Andres sa pagtatago sa kanayunan at sa huli ay sa mga Kabundukan. Alias siyempre ang mga ginamit nilang pangalan--"Manuela Gonzaga" raw si Oriang. Sumama na rin siya sa pakikibaka ng kanyang asawa. Sa pagnanasang maiwagayway ng bayan ang watawat ng Katipunan, ng kalayaan, hindi natakot si Oriang na masaktan, mahuli, mamatay. Naranasan niyang matulog sa lapag, sa sahig, ang hindi kumain ng isang buong araw, ang uminom ng tubig sa mud-holes o mapait na katas/dagta ng mga halabang baging/kalipkip. Sa madaling salita, naghirap sa paglaban para sa ating kalayaan si Gregoria de Jesus. Naging isang Katipunerang sundalo siya--sumasakay ng kabayo, bumabaril, gumagamit ng iba pang mga sandata.

Nagkitang muli nina Oriang at kabiyak nito sa San Franciso del Monte. Isang gabi, kinailangan kasi niyang lumisan papuntang Balara habang ang Supremo at ilang Katipunero ay nagpunta sa Marikina. Ang sumunod na pagkikita nila ay sa Cavite, na balot na ng kasamaan ng kampo ni Aguinaldo. Abril 27/28, 1897 ay patraydor na dinaklot si Bonifacio ng nagpanggap na kapatid sa Katipunan na sina Agapito "Yntong" Bonzon, Jose "Intsik Paua," atbp. na naatasang dakpin ang Supremo 'dead or alive.' Mainit pang tinanggap ang mga ito ng nakaraang gabi nina Bonifacio subalit binaril siya sa braso at sinaksak siya sa lalamunan. Pinatay pa ang isang kapatid ng Supremo na si Ciriaco at dinaklot na nga ang Supremo at isa pang kapatid na si Procopio. Hinalay o tinangkang halayin si Oriang ni Yntong samantalang itinapon sa isang masikip at madilim na preso ang magkapatid na Bonifacio. Hindi pinayagan ang pagbisita at dili't hindi sila pakainin.

_____



Hindi
lang dinaya, inagawan ng kapangyarihang maghihimagsik, pa.traydor na dinaklot pa 'dead or alive,' at lutong makaw na hinatulan ng kamatayan nila Aguinaldo... ni Aguinaldo na minsan nang sinagip sa kahihiyan, at maari ay kamatayan, ni Bonifacio. Walang magawa subalit ay nagngingitngit siguro si Oriang at marahil ay naisip na sana pala ay pinabayaan na lang ng Supremo na magkabanatan si Aguinaldo at ang nakaalitang kapwa Katipunero na si Ramon Padilla y Garcia noong Marso ng isang taon. Sa ulat ni Hen. Alvarez ay kinakabahan daw si Aguinaldo sa napipintong duelo sana nila ni Padilla. Maari, naisip siguro ni Gregoria de Jesus na kung hindi nagbigay ng tulong at suporta ang kanyang kabiyak, natapos na sana noon pa ang buhay ng walang utang na loob na si Miong... at hindi sana nasira ang demokratikong Katipunan, maayos pa sana ang Himagsikan at hindi papatayin ang Supremo... Masaya sana ang kanyang kaarawan habang silang mag-asawa ay patuloy na nangangarap at kaisa ng bayan sa pagplaplano at pagsasakatuparan ng ikalalaya ng bayan.

Bukas, Mayo 10, 1897, papaslangin na ng walang katarungan, ng mga sakim sa kapangyarihan, ang kanyang mahal na kabiyak, ang Supremo....


*********

Mga Batis:

Alvarez, Santiago. The katipunan and the revolution: memoirs of a general : with the original Tagalog text. Paula Carolina S. Malay. Trans. Ateneo de Manila University Press, 1992. http://books.google.com/books?id=F3q-krDckHwC&dq=SANtiago+alvarez+tejeros+forced&source=gbs_navlinks_s

Artemio Ricarte Declaration date 24 March 1897. Filipiniana.net.
http://www.filipiniana.net/publication/artemio-ricarte-declaration-dated-24-march-1897/12791881635983

Duka, C. Struggle for Freedom. Rex Bookstore, Inc., 2008.
http://books.google.com/books?id=4wk8yqCEmJUC&dq=bonifacio+aguinaldo+dead+noriel&source=gbs_navlinks_s

National Historical Commission. Gregoria F. de Jesus (1875-1943).
http://www.nhi.gov.ph/index.php?option=com_remository&Itemid=2&func=download&id=278&chk=5822fe75cb3bd7f812de4b4422f03e55&no_html=1
-----

Raw Photo Credit:

Photo credit: http://bahaynakpil.org/images/lola_gorya_invite.pn


...

1 comment: