Maaring may iba sa inyo na hindi masyadong alam na si Hen. Emilio Aguinaldo y Famy ay tumakbo--at natalo syempre--sa halalang pampanguluhan noong 1935, "Commonwealth," Panahon ng imperyalistang Amerikano. Masasabing ang dahilan ng pagkatalo ni Aguinaldo ay ang mga MULTO nina Supremo Andres Bonifacio y de Castro at Hen Antonio Luna y Novicio.
Tumpak, multo ngang masasabi dahil minulto ng kanyang nakaraan si Aguinaldo. Ipinaalala ng kampanyang propaganda ni Quezon, dating ayuda-de-campo ni Aguinaldo noong Digmaang Pilipino-Amerikano, ang sinasabing naging kamay (o utos) ng huli sa mga pagpapatay kay Bonifacio at Luna. Makikita ito dito sa flyer na nagsasabing dapat parusahan si Aguinaldo sa "panakaw, pasukap at mahiwagang pagliligpit" sa "mga tunay na Bayani!"
Sa lawaran sa flyer ay makikita sina Bonifacio at Luna--mga pinatay noong Himagsikan (o Digmaang Pilipino-Amerikano) na may halos dalawang (2) taon lamang ang pagitan--na umuusig kay Aguinaldo habang ito ay may panakaw na kinukuha mula sa labas ng bintana. Maaring sabihing "black propaganda" ito dahil panahon iyon ng halalan. Subalit's black propaganda nga ba, samantalang isinulat naman talaga nina Hen. Santiago Alvarez at Julio Nakpil, atbp. ang mga pangyayaring nagtuturo sa salang utos na pagliligpit kina Bonifacio at Luna?
Naalala ko tuloy na noong mag-aaral pa ako sa Mataas na Paaralan, minsan akong nagbukas ng aklat ng Social Science at nabungad iyon sa pahina ukol kay Hen. Aguinaldo. Natingin ang aking ama at medyo paismid na sinabi na noong panahon niya ay mababa ang tingin diyan kay Aguinaldo.
Kung wala bang batayan ay matatalo ba ni Manuel Luis Quezon y Molina si Aguinaldo samantalang naging pangulo ang huli at sa panahon pa ng Himagsikan? Wala naman yatang nagreklamo na nagkaroon ng dayaan sa pampanguluhan noon halalan ng 1935, na ginanap pa kamo noong Setyembre 15, na siyang araw ng pagbubukas ng Kongreso ng Malolos ng panahon ni Aguinaldo. Malaki ang naging lamang ng nanalong si Quezon kay Aguinaldo: 695,332 laban sa 179,349 (67.99% - 17.54%). Sa katunayan nga ay pinayuhan si Aguinaldo na huwag na kailanman tumakbo sa halalan. Malinaw, nilampaso ng taumbayan si Aguinaldo at ang pinili ay si Quezon.
Maari ring idagdag na kung sa Tejeros Convention--na halos ay sinalihan lamang ng mga taga Cavite--ay nanalo si Aguinaldo sa pamamagitan ng daya batay na rin sa pahayag ni Hen. Artemio Ricarte at pag-uulat kasaysayan ni Hen. Santiago Alvarez, dito sa halalang 1935 ay hindi na umubra si Ka Miong. Kung hindi man tunay na nagmulto ang Supremo at si Hen. Luna ay ginamit naman ng wasto ni Quezon ang isyung pagligpit sa kanila.
*******
Nakasulat sa flyer:
Nahuli Ng Mga Kaluluwa Ang Isang Nangangalulwa Ng Kapangyarihan.
MGA MANGHAHALAL:
Magpakagising kayo, sapagka't ang dating gawi ni Aguinaldo noong panahon ng Himagsikan ay siya na naman daw ibig gawin ngayon. Diwa'y nasasalat na niyang di-maaring maluklok siya sa Panguluhan ng "Commonwealth" sa mabutihang paglalaban, ay tinatangkang makuha ito sa mga kaparaanang ginagamit-gamit niya nang panahong lumipas, na panakaw, pasukap at mahiwagang pagliligpit sa mag kaagaw niya sa kapangyarihan, na gaya ng ginawa kina Bonifacio at Luna.
Ang larawang nasa itaas ay naghihiwatig ng bagong tangka: agawin nang palihim o panakaw ang Malyete ng Panguluhan ng Mangkomunidad, at huwag dumaan sa hagdanan kundi sa bintana, na ang ibig-sabihi'y bonipasyuhin at lunahin ang kanyang kalabang ngayon pa'y tiyakang Pangulo nang mahahalal sa Mangkomunidad.
BAYAN: Parusahan mo ang mga mamamatay ng iyong mga tunay na Bayani!
Setyembre 17, 1935.
________
Mga Batis:
http://pinoykollektor.blog
http://www.quezon.gov.ph/q
http://en.wikipedia.org/wi
http://www.activeboard.com
No comments:
Post a Comment