Pages

Friday, May 6, 2011

Ang Mga DAPAT MABATID Ng Mga TAGALOG/Taga-Ilog/Pilipino Ukol Kay SUPREMO ANDRES BONIFACIO y DE CASTRO

Ayon sa historyador na si Luis Camara Dery:
Ipinanganak si Andres Bonifacio sa kalye Alvarado, barrio Meisic, bayan ng Tondo noong Nobyembre 30 [1863]. Ayon sa isang kasamahan niya, may mga katangian na nagpapatunay na siya's tunay na taliba ng Inang Bayan:

Sa malas, sa anyo at sa kalagayan ay hindi sukat asahang makagawa ng kanyang ipinaging bayani.

Isang payapang mamamayang gaya ng lahat, isang masunuring kawani sa isang bahay-kalakal, isang mabait na Pilipinong laging matahimk, dapatwa't nang dumating ang oras at panahong kinailangan ang pagkilos, upang masugpo ang mga napakalabis at masasagwang paguutos ay natutong tumutol, tumayo at nag-usig ng kanyang matwid at karapatang niyuyukuran.

Si Andres Bonifacio yaong walang kibo, nguni't dinaramdam at pinag-aaralang lahat ang daing ng kanyang bayan sa pang-aaping ginagawa sa kanya, at nangulo ng pag-uusig sa mga nang-aapi.

Ang magiting na iyan ang nagluwas sumuba sa Balintawak, at pati gabi'y ginagawang araw, maihanda lamang at maisagawa ang pagbangon ng bayang itong malaon ding inalipin.

Si Andres Bonifacio yaong matapang na hindi nilingon ang kakauntiang ng tao niyang kasama, kahinaan ng kanyang panlaban at kakapusang ng lahat ng kailangan, ay nagsimula ng isang gawaing napakalaki at dakila."

XXXXX



Ayon kay G. Jose Turiano Santiago, isa sa mga unang kasapi ng Katipunan, may mga isinulat sa pader ng mga kuweba sa Montalban si Bonifacio. "Mabuhay ang Kalayaan" ang pangungusap na isinulat ni Bonifacio sa pader ng kuweba ng Pamitinan at sa kalapit na kuweba ng Makarok kanya namang isinulat ang mga sumusunod: "Sumapit dito ang mga Anak ng Bayan. Humahanap ng Kalayaan." Ayon naman sa isa pang dating kasamahan, sinabi sa kanila ni Bonifacio ang mga sumusunod: "Ang paglaya ay mahirap matuklasan, kinukuha sa patalim o pumatay o mamatay." Kay G. Aurelio Tolentino, isang matalik na kaibigan ni Bonifacio at isa sa mga nagtatag ng Katipnan, si Bonifacio ang "Ama ng Katipunan" at ganito ang mga anyaya niya sa mga kasama nang simulan nila ang himagsikan:
Kalayaan o Kaalipinan?
Kabuhayan o Kamatayan!
Mga Kapatid. Halina't ating kalabanin ang mga baril at kanyon upang kamtin ang sariling Kalayaan!

Ayon naman  sa historyador din na si Manuel Artigas y Cuerva, ipinamalas ni Supremo ang kanyang katapangan hanggang sa kanyang mga huling sandali ("su caracter, que hasta ultima hora due el de una valiente"). Ito ay sa gitna ng sukdulang kawalanghiyaang ginawa sa kanya matapos niyang bigyang buhay ang Himagsikan para sa ating kalayaan.

Ang tinutukoy dito ni Artigas ay ang kwento ni Lazaro Makapagal, tauhan ng nang-agaw ng kapangyarihan mula sa Supremo na si Emilio Aguinaldo, at sinulat nila Teodoro Agoncillo na kesyo tinangka raw tumakbo ni Bonifacio nang sila ay babarilin na nito. Malabo ang kwentong ito ni Makapagal dahil unang-una ay mahina ang katawan ng Supremo batay na rin sa sinulat ni Hen. Santiago Alvarez na maliban sa pagkakabaril kay Bonifacio ay sinaksak ito sa lalamunan sa pagtatangka ni Kol. Ignacio Paua na patayin ang Supremo noong Abril 28, 1897 noong patraydor na atake at pagdakip sa kanila . Bumulwak daw ang dugo mula sa Supremo kung kaya't nanghina ito at kinakailangang ilagay ito sa duyan sa sa pwersahan nilang pagdala sa pamilya Bonifacio sa Naic (ang Supremo, kapatid na Procopio, at asawang si Gregorio de Jesus habang napatay ang isa pang kapatid na si Ciriaco).

Isa pa eh, ayon pa rin kay Alvarez, ginutom ang magkapatid na Bonifacio bago iharap sa 'kangaroo court' nila Aguinaldo ito ay pinagkaitan ng tamang pagkain! Saka sa malubhang pagkakasaksak sa Supremo, may nabalita bang gumamot dito ng tama habang ipiniit ng mga taga-Magdalo? Sa kanyang kahabag-habag na kalagayan ng Supremo, paanong makakatakbo iyon? Isa pa, napakatapang nga niyang Pilipino  at sumugod pa nga sa Himagsikan nang mabuking na ang Katipunan  kahit tutol ang mga kagaya ni Aguinaldo, tapos tatakbo ito sa harap ng walang katarungan at traydor na pagpatay?

Tandaan natin na si Lazaro Makapagal ay masasabing hindi patas o hindi mapagkakatiwalaan ang kanyang mga pahayag ukol sa Supremo. Unang-una ay dahil siya ang kalihim ng 'kangaroo court' na Hukom ng Panggiyera na binuo ng kampo ni Aguinaldo. Pangalawa ay PATAGO ang pagpatay nila sa Supremo--taliwas sa dapat ay publikong katangian ng 'execution'--kung kaya't sino ang makakapagsabi na tunay ang pahayag ng berdugong si Lazaro. Pangatlo ay maraming detalye sa Kumbensyon sa Tejeros, paghuli at paglilitis sa Supremo mula sa panig nila Aguinaldo ang pinawalang katotohanan ng mga sulatin ng mismong naging tauhan ni Aguinaldo--sina Hen. Santiago Alvarez at Artemio Ricarte.

Hindi siguro gagawin ni Supremo Bonifacio ang karuwagang ginawa ni Hen. Aguinaldo na hindi lumaban sa mga Amerikanong humuli sa kanya at bagkus ay sumumpa pa ito sa bandila ng Kalbong Agila sa loob lamang halos ng isang linggo. Baka nga ang ginawa nila Makapagal ay patalikod pang pinatay ang Supremo na siya namang tumangkang lumaban sa berdugo ni Aguinaldo....

______


Pinagkunan:

Dery, Luis, Camara. Bantayog ni Inang Bayan: Panibagong Pagbibigay Kahulugan kay Andres Bonifacio.

Alvarez, Santiago. Pamagat The katipunan and the revolution: memoirs of a general : with the original Tagalog text. Tagasalin. Paula Carolina S. Malay. Ateneo de Manila University Press, 1992.


Photo art: Jesusa Bernardo

Pasasalamat: Michael Charleston Briones Chua

No comments:

Post a Comment